Ang Hanap-buhay ng Pinoy at si Martin Heidegger

Umaabot na sa halos sampung milyon ang bilang ng mga Filipino na nagtratrabaho o naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.  Ang bilang na ito ay patuloy pa na nadadagdagan sa bawat libong umaalis ng bansa araw-araw.  Mula pa noong dekada sitenta, nang isa-polisiya ng administrasyon ng dating pangulong Marcos ang paggawa bilang kalakal, naging mas madami at mas mabilis ang paglikas ng mga Filipino.  Lalo itong umigting sa saglit na paglago ng pandaigdigang ekonomiya pagdating ng dekada nobenta. Maliban sa Amerika, paboritong hantungan ng karamihan sa atin ang Australia, Canada, New Zealand at Singapore. Ang mga estudyanteng pumapasok sa kolehiyo ngayon ay sa ibang bansa na nakapako ang mata hindi pa man nakakatapos. Kahit ang mga may trabaho na ay nagsisipagbitiw sa kani-kanilang opisina, eskwelahan, negosyo o pabrika para makipagsapalaran sa buhay sa ibang bansa. At kahit sino sa kanila ang tanungin kung ano ang nagudyok sa kanila upang mangapit-bansa, iisa ang sagot na maririnig sa kanila: hanap-buhay.

Pilipinas ang mundo ng mga Filipino o ang Da na tinatawag ni Heidegger. Dito nararanasan ng Filipino ang pagkakatapon sa kanya.  Dito nagaganap ang kanyang pakikisangkot sa Meron. Subalit, batay sa nabanggit na, tila may kabalintunaan ang nangyayaring pakikisangkot ng marami.  Pakikisangkot ito na nilalarawan ng pagtakas, ng paglikas.  Pakikisangkot ng pagtanggi na ariin ang sariling pagkakatapon.  Masisisi ba naman natin sila?  Katwiran ng isang kaibigang umalis kamakailan lamang papuntang Vancouver, masyado na raw mahirap ang buhay sa Pilipinas. Pakaunti na raw nang pakaunti ang oportunidad para sa progreso at ito’y lalo pang nababawasan dahil sa katiwalian sa gobyerno.  Malabis na rin daw ang paglaganap ng polusyon na tumalab na hindi lamang sa hangin kundi pati na rin sa tubig at sa lupa.  Hindi na raw ligtas para sa mga anak niya ang manatili sa isang lugar na maaaring magdulot pa sa kanila ng malubhang karamdaman balang araw. Nakakabagabag na rin daw ang dalas at dami ng insidente ng krimen na dati’y sa mga panulukang madidilim lamang nangyayari;  ngayon, tila nagiging karaniwang kaganapan na ito kahit sa loob ng mga tahanan at ang kriminal ay hindi na mga estranghero mula kung saan kung hindi mga taong kabilang sa pamilya.

Kaya nga para sa kanilang nakaalis na, ang kanilang pag-alis ay hindi pagtakas; hindi ito pagpiglas sa kanilang pagkakatapon.  Udyok daw ito ng kanilang pagmemeron bilang mga Filipino.  Tugon nila ito bilang Da-sein sa paanyaya ng sisilip-kukubling Meron.  Bilang Da-sein, pananagutan nila sa kanilang sarili, sa sariling kanilang-kanila lamang, ang maghanap ng isang makakatotohanang pag-iral, ng isang buhay na marapat sa kanilang pagsisikap at mga inaasam. Kung ang Da-sein ay kinakatha ng kanyang sariling posibilidad, hindi niya maaaring talikuran ang tawag nito.  Ang tanong na hinaharap ng isang Filipinong nagmemeron ay kung paano tutupadin ang mga posibilidad na ito sa harap ng maraming balakid na nakaharang sa kanya. Nais niyang umunlad; nais niyang matupad ang mga pangarap; nais niya ng mas matatag na kinabukasan ngunit matay man niyang isipin, mahirap maganap ang lahat ng ito habang siya ay nasa Pilipinas. Kung sinabi ni Heidegger na ang Da-sein ay naglalakbay patungo sa posibilidad, ayon sa kaibigan ko, mas ramdam niya na ang buhay niya dito sa Pilipinas ay patungo sa wala.  Parang ganito rin ang binanggit ni Heidegger nang ipinanukala niya na ang buhay ng tao ay sadyang papunta sa wala, ibig sabihin, lahat tayo, lahat ng sa atin ay lilipas din. Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang ating pagsisikap maging ganap, maging totoo ay  maaari nating ipagwalang bahala. Sa katunayan, dahil nga lahat ay lilipas din, mas mahigpit ang ating pangangailangan ng makapag-iwan ng lagda ng ating pagiral. Sa ganito naiiba ang pag-iral ng Da-sein; sa ganito rin siya mas nagiging ganap at totoo. Nakikisangkot ang Da-sein sa panahon at tinutugis ang kanyang posibilidad dahil nga batid niya na bukas makalawa ay wala na siya. Ang pagiging pansamantala mismo ng panahon ang naguudyok sa Da-sein na makilahok, na yakapin ang bawat sandali, na salubungin sa halip na hintayin lamang ang posibilidad na nabibilang sa kanya.  Dahil dito, masasabi natin na sadyang may malapit na kaugnayan ang kalinga at bagabag. Ang kalinga ay tugon sa udyok ng posibilidad. Ito ay isang malikhaing pagtupad sa ating pagiging itinapon. Ang pagkalinga ay pagtalima ng Da-sein sa posibleng mangyari sa kanya.  Nagpapamalas siya ng kalinga sapagkat naniniwala siya na mayroong mangyayari. Ang kalinga samakatwid ay nakatuon sa posibilidad at hindi sa isang teritoryong geograpikal. Kaya nga kung kinakailangang lisanin ng isang Filipino ang sariling bansa, ginagawa niya ito dahil itinapon ang Da-sein upang kalingain ang sariling posibilidad.  Ang pagkatapon samakatwid sa Da-sein ay hindi nangangahulugan ng pagkakapinid sa bakuran ng isang bansa. Ang pagkatapon ng Da-sein ay pagiging laan sa iba’t ibang posibleng mangyari na tanging Da-sein lamang ang makakabatid sa paraang siya lamang ang makakahanap.  Kung walang nangyayari at kung walang nakikita sa kanyang buhay, dito makakaramdam ng bagabag ang Da-sein. Nababagabag siya sapagkat nababanaag niya ang wala: walang pag-asa, walang pagkakataon, walang kinabukasan, walang pagbabago.  Ang lahat ng ito ay pahiwatig ng wala.  Ayon kay Heidegger, hindi natin nakikita ang wala mismo.  Nababanaag lamang natin ito sa mga bagay-bagay na tila ba unti-unting humuhulagpos sa ating mga kamay o sa paligid na waring naglalaho sa ating paningin: sweldong ayaw tumaas, presyong ayaw bumaba, trapik na hindi malutas, kontratang hindi maisara. Sa ganito nagpapamalas ang wala.  Sa harap nito, nababagabag ang Da-sein na baka walang mangyari.  Dalawa ang kanyang posibleng maging tugon: pag-ibayuhin ang kalinga o kaya tuluyang masadlak sa buhay na karaniwan.  Tinuturing ni Heidegger na karaniwan ang buhay na paulit-ulit; isang buhay na nakakulong sa sirkulo ng nakagawian na: natutulog, bumabangon, pumapasok, umuuwi, napapagod pagkatapos ay matutulog ulit, babangon ulit, papasok ulit, uuwi ulit, makakaramdam ulit ng pagod hanggang sa makatulog ulit at magpatuloy ang buhay na nakasanayan. Hindi ganito ang buhay ng Da-sein.  Kung tutuusin, positibo pa ngang maituturing ang pagpaparamdam ng wala.  Dahil dito, nauudyukan ang Da-sein na tumalima upang magpamalas ng kalinga. Silang nakaramdam ng udyok na ito, sila ang naglakas-loob na mangibang bayan upang hanapin ang buhay na mas totoo para sa kanila.

Ang hanap-buhay ng Pinoy samakatwid ay maaaring tingnan sa dalawang lebel.  Una, sa lebel na ontik, ibig sabihin, sa lebel ng karaniwan nating pagkaunawa kung ano ang hanap-buhay – walang iba kundi ang paghahanap ng ikabubuhay.  Sa ordinaryong karanasan, ang paghahanap ng ikabubuhay ay bahagi ng ating pagtanggap sa mundo bilang mundo at sa ating tadhana bilang itinapon.  Nagugutom tayo kaya kailangang kumain; nabibilad sa araw kaya kailangan ng silungan; nangangarap kaya kailangang mag-aral.  Lahat ng ito ay kailangang tustusan ng salapi kaya malaking bagay sa kahit sino man na magkaroon ng permanente at maayos na hanap-buhay.  Ang hanap-buhay sa ontik na pagkaunawa ang nagbibigay ng materyal na katiyakan sa pagmemeron ng tao.

Maliban dito, may isa pang kahulugan ang hanapbuhay; ang hanap-buhay sa ontolohikal na kahulugan.  Ibig sabihin nito, ang paghahanap ng buhay na makabuluhan at may pinaglalaanan.  Ang ontolohikal na hanap-buhay ay higit pa sa trabaho.  May mga taong kumikita ng malaking salapi subalit nananatiling salat sa loob dahil hindi pa nila nasusumpungan ang buhay na totoo para sa kanila. Marami sa ating mga kababayan na nakaalis na at matagal nang naninirahan sa ibang bansa ngunit hanggang ngayo’y waring dayuhan pa rin sa kanilang sarili sapagkat bagamat nakatuntong na sila sa lugar na kanilang gustong puntahan, ramdam nila na mayroon silang hindi pa nararating. Sa gitna ng akala nilang katuparan ng kanilang pangarap, naroon pa rin ang pakiramdam na hanggang ngayon tila ba sila’y namamamahay pa rin.

Sa isang banda, tila mas mahirap pa ang kanilang kalagayan kaysa sa mga taong naiwan dito sa Pilipinas.  Oo nga’t mahirap ang buhay dito; oo nga’t salat sa maraming bagay subalit parang mas malalim ang hiwa sa loob nilang nandayuhan sa ibang bansa. Bagamat walang bansa ang Meron at ang pagkatapon sa atin ay walang pinipiling rehiyon, hindi rin naman maikakaila ang malaking kaugnayan ng mundong pumapaligid sa atin at sa ating totoong pag-iral. Ito ang dahilan kung bakit para kay Heidegger, walang anomang lugar na maglalapit sa kanya sa Meron kundi ang Alemanya sampu ng kanyang tula, ng kanyang kasaysayan, ng kanyang mga awitin, maging ng kanyang mga kagubatan at kapatagan.  Gayunman, hindi nangangahulugan na mas malapit sa Meron silang hindi nangibang bayan at nagpaiwan dito sa Pilipinas.  May kani-kanyang lakbay ang bawat isa at sa kanila, iba-iba rin ang pagdanas ng Meron.  Ang tanging pagkakatulad ng Pinoy sa isa’t isa, mangibang bayan man o dito manirahan, ay ang bagay na lahat sila ay naghahanap-buhay: nagnanais kumita at naghahangad makakita. May malaking pagkakaiba ang malaking sweldo sa ibang bansa at ang pagtitiis sa kakaunti dito sa Pilipinas subalit alin man sa kanila’y maaaring maging daan papalapit o papalayo sa Meron. Kung tunay na mayroong pilosopiyang Filipino, dito dapat magsimula ang kanyang salaysay – sa penomenolohiya ng hanap-buhay ng Pinoy.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s